OFW E-Card: Huwag umalis ng wala ito
Hawak mo pa ba ito? Umaalis ka ba ng hawak mo ito? Itinatago mo bang mabuti ito? Huwag kang aalis na wala ito, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration dito sa Saipan.
Ang OFW E-Card ang tinutukoy nila dito, isang card na kaloob ng OWWA at ng Philippine Overseas Employment Agency sa Pilipinas.
Ang Overseas Filipino Worker E-Card, ayon sa mga lathalaing isinalabas ng OWWA sa Saipan, ay isang permanenteng “identification card” para sa lahat ng OFW, hindi lamang sa CNMI, bagkus maging sa ibang bansa sa mundo kung saan naninilbihan ang bawat Filipino.
“Ito ay ibinbibigay ng libre ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng OWWA at POEA,” ayon sa lathalain.
Ang E-card ay kailangan ng bawat Filipino sa Saipan dahil ito ay katibayan na sila ay isang tunay na OFW at isang kasapi ng OWWA. Ito ay nagtataglay ng kanilang litrato at pirma at mayroong personal at permanenteng OFW ID number. Ito rin ay nagsisilbing Overseas Employment Certificate ng bawat OFW.
Ang OWWA E-card ay maaari ring gamitin bilang ID upang makuha ang mga benepisyo bilang kasapi ng OWWA. Ito rin ay magsisilbing “pass” para sila ay hindi na pagbayarin ng “travel tax” at “terminal fee” sa alin mang paliparan sa Pilipinas.
Ang card na ito ay maaaring magamit bilang “International ATM card” ng bawat OFW. “Kung gusto nyong magbukas ng account sa mga kasaping bangko, ang ‘initial deposit sa pagbukas ng ATM account ay 50 pesos lamang.”
Maaring gamitin ang ATM card na ito upang mag-withdraw sa alinmang Bancnet, Megalink or Expressnet ATM sa Pilipinas or kaya naman ay sa alin mang VISA Plus ATM sa abroad. Ang mga kaukulang ATM ‘transaction fees’ na ibabawas ay ang mga susunod: $3 para sa bawat tagumpay na ATM withdrawal, $1 para sa bawat balance inquiry at $1 para sa bawat ATM transaction na hindi natuloy sa anumang kadahilanan.
Ang card ay magagamit ring pang-shopping, pang-grocery o pang-gimik sa pamamagitan ng VISA Electron feature nito. “Iprisinta lamang ang card sa mga VISA Electron na tindahan at ang halaga na iyong nagastos ay ibabawas sa pondo ng iyong account,” ayon sa babasahin.
Kapag nawala sa anumang dahilan ang OWWA E-card, mangyaring i-report kaagad ito sa OWWA office o sa POLO office dito sa CNMI.