Mga benepisyo, serbisyo para sa kasapi ng OWWA

By
|
Posted on Feb 17 2006
Share

Para sa mga overseas Filipino workers na magpahanggang ngayon ay hindi malinaw ang mga benepisyo bilang kasapi ng Overseas Workers Welfare Administration, ang mga sumusunod ay halaw sa pinakabagong lathalain na inilabas ng OWWA Manila office para sa kaalaman ng mga OFW sa CNMI.

Ayon sa OWWA, ipinagkakaloob ng OWWA ang mga benepisyong social insurance, tulong-pautang, edukasyon at pagsasanay, at serbisyong sosyal at tulong pangkagalingang pampamilya sa mga kasapi nito batay sa kuwalipikasyon at pagkakaroon ng OWWA ng pondo.

“Ang mga benepisyo at serbisyong ito ay bukod at karagdagan sa napapaloob sa employment contract, kaloob ng amo, o sa isinaad ng batas ng bansang pinagtratrabahuan.

Ang mga sumusunod ay ang mga tulong at serbisyo ng OWWA: paghahanap sa nawawalang OFW, pamimigay ng impormasyon at gabay, pag-aayos ng relasyong OFW-employer, pagdevelop ng mga materyales para sa PDOS, psycho-social na pagpapayo at outreach missions.

Maaari ding kumatawan ang OWWA para sa OFW sa mga employer, ahente, at awtoridad ng pamahalaan ng bansang pinagtratrabahuan nito.

Tinutulungan din ng OWWA, mula sa Serbisyong Sosyal at Tulong Pangkagalingan ng Pamilya, ang mga kasapi nito na kailangang umuwi na makarating sa kanilang mga tahanan sa Pilipinas. Tinutulungan din ng OWWA ang mga kasapi nito sa pag-oorganisa ng pamayanan, “capacity building” at pautang panghanapbuhay mula Php 200,000 hanggang isang milyong piso.

Mga Benepisyong Edukasyon at Pagsasanay ay isang sangay ng mga benepisyong makakamit ng isang kasapi ng OWWA. Ang OWWA ay naglalaan ng anim na milyong piso kada taon para sa libreng “Skills-for-Employment Scholarship Program” para sa libreng teknikal at bokasyunal na pagsasanay ng kuwalipakadong kasapi.

Ang OWWA ay naglalaan din ng isang-daang iskolar sa apat hanggang limang taong kurso sa kolehiyo at nagkakahalaga ng tatlong-daang libong piso kada semester kada iskolar.

Meron ding ang OWWA na Seafarers Upgrading Program kung saan ang OWWA ay naglalaan ng 10 milyong piso taun-taon sa programang ito para sa mga marinong kasapi. Ang bawat kuwalipikadong iskolar ay pinagkakalooban ng mula Php1,200 hanggang Php7,500 para sa pagsasanay.

Ang bawat kasapi ay maaari ring humiram o mag-loan sa OWWA ng kanilang pambayad sa placement fee, pambili ng damit, perang baon, at iba pang gastusin. Ang bawat kasapi ay maaaring manghiram ng hanggang Php40,000 piso. Maaari ring manghiram ang kasapi ng hanggang Php40,000 para sa dagliang pangangailangan ng pamilya na inendorso ng kasapi.

Ang bawat kasapi ng OWWA ay protektado ng mga sumusunod na insurance sa panahon ng kanyang kontrata: Life Insurance, Php100,000 para sa natural na pagkamatay at Php200,000 para sa pagkamatay mula sa isang aksidente.

Ang “Disability and Dismemberment Benefits” ay nagkakahalaga mula Php2,000 hanggang Php50,000. Para naman sa “Total Disability Benefit” ay Php100,000 for permanent disability. Ang bawat kasapi na pumanaw ay makakakuha rin ng benepisyo panglibing na nagkakahalaga ng Php20,000 kada kasapi.

Para sa karagdagang katanungan, pumunta o tumawag lamang sa OWWA office na matatagpuan sa Nauru Bldg. sa Susupe na may telepono bilang 235-6992 o mag-email lamang sa owwasai@vzpacifica.net o sa owwasai@pti.com.

Disclaimer: Comments are moderated. They will not appear immediately or even on the same day. Comments should be related to the topic. Off-topic comments would be deleted. Profanities are not allowed. Comments that are potentially libelous, inflammatory, or slanderous would be deleted.