Ang iyong karapatan bilang manggagawa sa CNMI

By
|
Posted on Feb 10 2006
Share

Ang mga alituntuning ito ay halaw sa isang lathalain ng CNMI Department of Labor na isinalin sa wikang Filipino sa pakikipagtulungan ng Philippine Overseas Labor Office at ng Konsulado ng Pilipinas sa CNMI.

Ang mga karapatan ng manggagawa ay ang mga sumusunod:

1. Ang manggagawa ay hindi maaaring pilitin na gumawa ng kahit anong gawain maliban sa mga bagay na nakasaad sa kanilang kontrata o “employment contract.”

2. Ang manggagawa ay may karapatan na itabi o dalhin ang kanilang pasaporte at “entry work permit” sa lahat ng oras.

3. Ang manggagawa ay may karapatang pumunta kahit saang lugar at gawin ang anumang kagustuhan kapag walang trabaho, maliban sa magtrabaho para sa ibang kumpanya o magtayo ng sariling negosyo.

4. Ang pinakamaliit na pasahod ay nasa halagang $3.05 kada isang oras, maliban sa mga magsasaka, houseworker, mangingisda, mga marino at “golf caddies.”

5. Ang mga manggagawa na inatasang mamalagi sa kanilang barracks o nakatalagang tirahan, pumunta sa pagtitipon na may kinalaman sa trabaho, o inatasang pumunta sa lugar ng gawaan para sa kung ano mang dahilan, ay nararapat na mabigyan ng sahod para sa oras na iyon.

6. Walang kaltas sa sahod ang maaaring gawin para sa pabahay, pagkain o ano pa mang gastusin maliban na lamang kung ang mga ito ay nakasaad sa kontrata.

7. Ang manggagawa na pinapasahod ng mas mababa sa minimum wage, kabilang ang mga magsasaka at katulong sa bahay, ay hindi maaaring singilin para sa pabahay at pagkain.

8. Ang manggagawa ay hindi maaaring pilitin tumira sa pabahay ng kanyang employer, bagkus ay maaaring tumira sa ibang lugar na kasama ang mga kaibigan o kapamilya.

9. Ang manggagawa ay may layang makipag-ugnayan sa Department of Labor para sa mga reklamo ukol sa kanilang sitwasyon sa trabaho, at may layang makakuha ng abogado at magsampa ng kaso laban sa kanyang employer.

10. Ang manggagawa na nagsampa ng kaso laban sa kanyang employer ay maaaring makakuha ng pansamantalang “permit” na makapagtrabaho o “temporary work authorization” upang siya ay makapaghanap ng ibang trabaho habang ang kanilang reklamo ay hinahanapan ng solusyon.

11. Ang manggagawa ay maaaring hindi pagbayarin ng Department of Labor ng $20 na “filing fee” kapag siya ay nagsampa ng kaso tungkol sa kanyang trabaho, kung siya ay mapatunayang walang kakayanan sa pagbayad.

Ito ay ilang lamang sa mga dapat tandaan ng bawat Pilipinong manggagawa dito sa CNMI. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring tumawag lamang sa CNMI Department of Labor sa 236-0900, o sa CNMI Immigration Office sa 664-2341, 236-0920-23, 236-0968 o 236-0934, o ‘di kaya sa opisina ng Konsulado ng Pilipinas sa 234-1850-51, 235-3411, 235-6992 o 235 4749.

Disclaimer: Comments are moderated. They will not appear immediately or even on the same day. Comments should be related to the topic. Off-topic comments would be deleted. Profanities are not allowed. Comments that are potentially libelous, inflammatory, or slanderous would be deleted.