Layunin ng bagong coalition

By
|
Posted on May 07 2008
Share

Mahal na kabayang Sherilyn Francisco,

Maraming salamat sa iyong komento na ipinalathala sa pahayagang Saipan Tribune nuong nakaraang Mayo a uno. Lubos akong naliligayahan at ipinupuri ka sa paggamit ng ating wika.

Isa rin ako sa libo-libong nakilahok na katulad mo sa martsa nuong Desyembre 7, 2007. Hindi ko maipaliwanag ang naramdaman ng mga sandaling yuon. Sa kaligayahan, naibigkas ko tuloy sa aking sarili na ang lahi talaga natin ay may pagkakaisa at kung tatanggapin lang ang kamalian ng isat-isa, mas higit pa ang matatamasa. Alam kong ito rin marahil ang iyong naramdaman at nabigkas.

Nuong nakalipas na apat na taon, ako ay naging miyembro ng dalawang organisasyon dito sa CNMI. Nag-aktibo rin sa “Unity Core Group”, bago nito ay naging abala sa sariling pamamaraan sa pagtulong sa ating mga kababayan. Isa sa aking natulungan ay ang mga biktima ng Moods & Music case at humantong sa pagkakabilanggo ng may sala sa federal prison. Iilan lang sa kababayan natin ang nakakaalam nito kabilang na ang magiting na mamahayag na Ppilipino na sumubaybay nito at mga banyaga. Hindi mahalaga ang katanyagan. Ang mahalaga ay ang pagtulong na walang kabayaran, sa matahimik na paraan, bukal sa puso at pagmamahal sa kapwa. Lahat tayo ay may taglay nito dahil ito ay nananalantay sa ating dugo, dugo ng Pilipino.

Ito ang kadahilanan kung bakit ako tumugon sa iyong komento sa sarili kong pamamaraan. Ako ngayon ay aktibong opisyal ng Coalition of United Guest Workers (CNMI). Bago ako sumapi sa coalition ay makailang ulit akong nagtanong-tanong sa mga ibat-ibang sektor ng manggagawa at sa karatig isla hanggang sa mga taga tangkilik ng grupo sa Guam. Ang resulta nga ay ang pakikilahok ko sa proseso at pag-tanggap sa pagkakahalal bilang isa sa opisyales ng samahan. Nuong Mayo 4, 2008, napatunayan ko na ang adhikain ng coalition ay ang sarili ko ring pangarap na ang layunin ay ang makatulung sa ating lahat upang makamit natin ang matagal nang inaasam—ang mapabilang sa lipunan na matagal na nating pinagseserbisyohan at makamtan ang pag-angat ng ating kabuhayan, ang pagsasama-sama bilang isang diwa at isang boses na maghahatid ng ating mga hinaing sa matahimik at progresibong pamamaraan sa mga kinauukulan.

At nuong lingo rin ay nabuo naming ang isang obyektibo na katulad ng mga sumusunod:

1. Paghandaan ang pakikilahok sa pagbalangkas ng regulasyon sa nalalapit na implementasyon ng pederalismo dito sa CNMI.

2. Tulungan ang lahat na manggagawa na kulang sa kaalaman upang maipabatid at mabigyan nang tamang inpormasyon ukol sa mga darating na pagbabago.

3. Makipagtalastasan sa pro-bonong mga tagapagtanggol sa Guam na bukas palad na tutulong upang maisaayos ang lahat ng mga kaukulang dukomento at proseso.

4. Gumawa ng mga aktibidad sa komonidad na makakatulong sa paglikom ng pondo upang maipamahagi sa mga manggagawang walang mga hanapbuhay upang maidagdag sa kanilang pang proseso sa nalalapit na bagbabago.

5. Gumawa ng tamang hakbang upang magawan ng kaukulang paraan ang pagpigil sa pagpaauwi sa mga maggagwang matagal na nanilbihan dito sa CNMI habang ang bagong proseso ay binabalangkas.

6. Patuloy na pagbibigay ng tamang inpormasyon sa masa upang ang lahat ng ispekolasyon ay hindi makasira sa ating isipan at mabigyan tayo ng sapat na kaalaman.

Iilan lang ito sa mga misyon na nabuo at bukod dito, ang coalition ay nakahandang makipagtulungan sa ating gobyerno o kanino man upang maisakatuparan ang lahat ng ating hinihiling at bukas sa lahat ng karagdagang suhestyon upang mapabilis ang ating adhikain.

Ngayon, pinagdarasal natin ang lahat ng mga kasapi sa organisasyong manggagawa sa patuloy na pagiging mapayapa ang kaisipan at bukas sa lahat ng usapin na makakatulong sa lahat, hindi lamang sa mga maggagawa kundi sa lahat ng sangay ng gobyerno mapa pederal man o lokal.

Maraming salamat.

[B]Renz Reyes[/B] [I]Chairman of the Board
Coalition of United Guest Workers (CNMI)[/I]

Disclaimer: Comments are moderated. They will not appear immediately or even on the same day. Comments should be related to the topic. Off-topic comments would be deleted. Profanities are not allowed. Comments that are potentially libelous, inflammatory, or slanderous would be deleted.